Wala pang isang araw matapos yanigin ng magnitude 7.8 na lindol ang General Santos City nitong Lunes, agad na namahagi ng tulong ang TINGOG Party-list upang tugunan ang pangangailangan ng mga apektadong residente.
Kabilang ang lungsod sa mga pinakamatinding naapektuhan ng lindol, na nagdulot ng pinsala sa mga gusali, paaralan, at iba pang imprastraktura, habang nagpapatuloy ang rescue at clearing operations.
Sa pangunguna ng TINGOG Center Tacurong at TINGOG Center General Santos, agad na naipamahagi ang mga relief pack na naglalaman ng ready-to-eat na pagkain at bottled water sa mismong araw ng sakuna.
Umabot din ang ayuda sa Sarangani Bay Specialists Medical Center at R.O. Diagan Cooperative Hospital, kung saan nabigyan ng tulong ang mga pasyente, healthcare workers, at iba pang apektadong indibidwal.
Nakatanggap din ng pagkain ang mga tauhan ng Bureau of Fire Protection at mga opisyal ng Barangay Dadiangas East na patuloy na naka-duty sa gitna ng disaster response efforts.
Magpapatuloy naman ang relief operations ng TINGOG ngayong araw sa mga ospital at iba pang apektadong komunidad sa General Santos City, kasabay ng paghahanda ng karagdagang relief packs at pakikipag-ugnayan sa mga katuwang na ahensya sa ground operations.
📸 Tingog Partylist