Hawak na ngayon ng Philippine National Police (PNP) si Rafael Dumlao III, ang dating pulis na itinuturong utak sa pagdukot at pagpatay sa Korean Businessman na si Jee Ick-Joo noong 2016.
Ito ang inanunsiyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla sa ipinatawag niyang pulong balitaan sa Kampo Crame, ngayong umaga.
Ayon kay Remulla, naaresto ng mga tauhan ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR) si Dumlao sa isang bahay sa Brgy. Pasong Tamo, Quezon City, kaninang ala-5 ng umaga.
Kabilang ang dating Anti-Narcotics Unit operative na si Dumlao sa mga itinuturing ng pulisya na Most Wanted Person na may ₱1 milyong patong sa kanyang ulo.
Magugunitang dinukot si Jee sa Angeles City sa Pampanga noong October 2016, dinala sa Kampo Crame kung saan siya pinatay at muling ibinalik sa Pampanga para i-cremate sa isang punerarya at finlush ang kaniyang abo sa palikuran
Una rito, pinawalang sala si Dumlao ng Angeles City Regional Trial Court sa mga kasong Kidnapping at Murder noong June 2023 subalit binaliktad ito ng Court of Appeals, July ng taong 2024.
Noong isang taon, naglabas ng manhunt order ang DILG at PNP laban kay Dumlao na nagresulta sa kaniyang pagkakaaresto ngayon.