Agad na ipinatupad ng Philippine Ports Authority (PPA) ang mga safety measures sa mga pantalan sa Mindanao matapos ang magnitude 7.8 na lindol sa karagatan ng Sarangani at kasunod na tsunami warning mula sa Department of Science and Technology–Philippine Institute of Volcanology and Seismology (DOST-PHIVOLCS).
Inatasan ni Philippine Ports Authority General Manager Jay Santiago ang mga Port Management Office sa mga apektadong lugar na pairalin ang emergency protocols, suspendihin ang mga hindi kinakailangang operasyon, at makipag-ugnayan sa mga kaukulang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero, manggagawa, at komunidad.
Ayon sa paunang ulat ng PPA, may naitalang minor structural damage kabilang ang mga bitak sa ilang pasilidad sa SOCSARGEN habang patuloy ang inspeksyon sa Port of Malalag.
Wala namang naiulat na pinsala sa mga pantalan ng Sasa, Mati, at Babak matapos ang isinagawang pagsusuri.
Patuloy na mino-monitor ng PPA ang sitwasyon at nakikipag-ugnayan sa Philippine Coast Guard, mga lokal na pamahalaan, at disaster management authorities para sa kaligtasan ng mga pantalan at mga stakeholder sa sektor ng maritime.
Nakahanda rin ang ahensya na tumulong sa emergency response at relief operations, kabilang ang paggamit ng mga nakahandang ready-to-eat food packs sa mga pantalan sa buong bansa. | ulat ni Lorenz Tanjoco
📸 PPA
