Magandang balita para sa mga naghahanap ng trabaho. Higit sa 95,000 oportunidad sa trabaho ang naghihintay sa 55 job fair sites sa buong bansa bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 na Araw ng Kalayaan ngayong darating na Biyernes.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino nitong Lunes, inaasahang lalahok ang nasa 1,181 lokal at dayuhang employer sa sabay-sabay na job fair na inorganisa ng mga regional offices ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Public Employment Service Offices (PESOs). Sa kabuuan, mayroong 95,240 na bakanteng posisyon ang maaaring apply-an sa iba’t ibang industriya.
Kabilang sa mga nangungunang industriya na nangangailangan ng mga manggagawa ang retail, manufacturing, construction, business process outsourcing (BPO), at accommodation and food services. Ang mga pinaka in-demand na posisyon naman ay:
- Sales clerk at store crew
- Production operator
- Construction worker
- Call center representative
- Service crew
Bukod sa mismong pag-apply ng trabaho, magkakaroon din ng mga one-stop-shop services para sa mas mabilis na pagkuha ng mga dokumento mula sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan tulad ng NBI, SSS, PhilHealth, at Pag-IBIG.
Maghahandog din ang TESDA ng mga oportunidad sa skills training para sa career development, habang ang Department of Information and Communications Technology (DICT) naman ay magbibigay ng mga training courses at micro-credential programs. Naroon din ang Civil Service Commission (CSC) upang maghatid ng tulong para sa mga eligibility requirements, iskedyul ng pagsasanay, at mga bakanteng posisyon sa gobyerno.
Pinapayuhan ng DOLE ang mga job seeker na magdala ng maraming kopya ng kanilang resume at iba pang pre-employment documents upang mapabilis ang pagproseso at madagdagan ang pagkakataon na ma-hire on-the-spot (HOTS).
Ang inisyatibong ito na tinatawag na “DOLE TRABAHO AGAD” ay magsisimula sa Hunyo 10 sa 55 na piling lokasyon at malalaking mall sa bansa. Layunin nitong magbigay ng agarang trabaho at pagkakakitaan para sa mga walang trabaho at kulang ang kinikita sa loob mismo ng kanilang mga komunidad.
Inaasahan ng DOLE na tataas pa ang bilang ng mga lalahok na employer at mga bakanteng trabaho sa mga susunod na araw. Ang proyektong ito ay bahagi ng adbokasya ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palawakin ang disenteng oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino.