Bumaba ang bilang ng mga Pilipinong walang trabaho nitong buwan ng Abril 2026.
Batay sa pinakahuling labor force survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), bumaba sa 4.7% ang unemployment rate o katumbas ng 2.41 milyong Pilipino na walang trabaho.
Mas mababa ito kumpara sa 5% noong Marso at 5.8% unemployment rate noong Enero.
Tumaas naman sa 95.3% ang employment rate sa bansa, na katumbas ng humigit-kumulang 49.89 milyong Pilipinong may trabaho o negosyo noong Abril.
Samantala, nasa 15.2% ang underemployment rate, o mga manggagawang naghahanap pa ng karagdagang oras o dagdag na trabaho.
Kabilang sa mga sektor na nagtala ng pagtaas ng employment ang agriculture at forestry, wholesale at retail trade, accommodation and food service at construction.
May malaking pagtaas din sa bilang ng mga may trabaho sa mga hanapbuhay gaya ng skilled agri at fishery workers, elementary occupations, at service at sales workers.#