Tinutukan din ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang mga pasyenteng naapektuhan ng malakas na lindol sa Sarangani Provincial Hospital at Dr. Jorge P. Royeca Hospital sa General Santos City.
Kahapon, namahagi na ang DSWD ng Ready-to-Eat Food Packs at Food Relief Packs para sa may 295 pasyente at kanilang mga bantay, na pansamantalang inilikas sa labas ng Dr. Jorge P. Royeca Hospital habang isinasagawa ang structural assessment ng pasilidad.
Ngayong umaga naman, maagang inihanda ng DSWD ang Mobile Kitchen para makapagbigay ng mainit at masustansyang pagkain sa mga pasyente at iba pang apektado ng lindol sa naturang ospital.
Muli namang bumisita ngayong umaga si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa Sarangani Provincial Hospital, para kumustahin ang kalagayan ng mga pasyente at tiyaking matatanggap nila ang kinakailangang suporta mula sa pamahalaan, kabilang ang family food packs (FFPs) at ready-to-eat food (RTEF) boxes.
Patuloy naman ang pakikipag-ugnayan ng DSWD sa lokal na pamahalaan ng General Santos City at sa pamunuan ng ospital, para matiyak na may sapat na suplay ng pagkain at iba pang pangangailangan ang mga apektadong pasyente habang nagpapatuloy ang mga aftershock sa lugar.#