Kaisa ang Pilipinas ng iba’t ibang mga bansa, sa pag-kondena ng sapilitang paggawa o forced labor.
Pahayag ito ni Communications Usec. Claire Castro kaugnay sa imbestigasyon ng Estados Unidos hinggil sa umano’y kakulangan ng safeguards ng bansa laban sa mga inaangkat na produktong mayroong kaugnayan sa forced labor.
Ayon sa opisyal, handa ang pamahalaan na ilatag ang mga ginagawa ng Pilipinas hingil sa usaping ito.
Seryoso aniyang tinutugunan ng pamahalaan ang mga isyung binanggit sa ulat ng United States Trade Representative (USTR), at binigyang-diin ang matagal nang paninindigan ng bansa laban sa sapilitang paggawa, at ang patuloy na pagpapatupad ng mga batas na nagtatanggol sa karapatan ng mga manggagawa.
Sa kasalukuyan, sinusuri na aniya ng pamahalaan ang ulat ng USTR at makikipag-ugnayan ang pamahalaan sa mga opisyal ng Estados Unidos sa pamamagitan ng mga nararapat na mekanismo upang maipakita ang pagsunod ng bansa sa mga batas paggawa at ang pagkondena nito sa lahat ng anyo ng forced labor.
“Seryosong tinutugunan ng pamahalaan ang usaping ito. Binibigyang-diin ng pamahalaan ang matagal nang paninindigan laban sa forced labor at ang umiiral na batas laban dito.” -Castro