Courtesy of Rep. Benny Abante/FB
Inireklamo ng libel at cyber libel ni Manila 6th Dist. Cong. Benny Abante sa City Prosecutors Office ng Maynila ang 18 dating bodyguards ni Zaldy Co.
Kasama rin sa inireklamo ang abogado ng mga ito na si Atty. Levi Baligod at isang media network.
Sa naging panayam kay Cong. Abante, idinawit niya ang nasabing AM radio sa reklamo matapos siyang siraan ng mga ito at hindi man lang daw hiningan ang kaniyang panig hinggil sa naturang isyu.
Sinabi pa ng kongresisita, nanatili siyang tahimik sa mga nagdaang pagsisiwalat na iniuugnay ang kaniyang pangalan kung saan hindi na siya pumayag nang muling idamay sa pangalawang pagkakataon.
Aniya, hindi na sana inilabas pa sa anumang pagdinig kung totoo ang mga isiniwalat ng 18 dating bodyguards ni Co at idinaan na sana daw ito sa Office of the Ombudsman para masampahan ng kaso sa korte o sa Sandiganbayan.
Sa huli, nanindigan si Abante na wala siyang anumang natatanggap na male-maletang pera na mula sa flood control project anomaly at sakaling ipatawag sa anumang pagdinig ay handa siyang humarap para linisin ang pangalan.