Tinawag ni Senator Ping Lacson na “foolish” o kahangalan ang panawagan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na mangakong tatanggihan ng mga senador ang posibleng alok na maging bise presidente sakaling mahatulan at matanggal sa puwesto si Vice President Sara Duterte.
Iginiit ni Lacson na hindi dapat pangunahan ni Cayetano ang desisyon ng Pangulo kung sino ang inonomina para pumalit sa posisyon ng bise presidente.
Samantala, sa hiwalay na pahayag, ipinaliwanag ni Cayetano na layunin lang ng kanyang panawagan na tiyaking walang personal na interes na makaaapekto sa paghatol ng mga senador sa impeachment trial.
Ayon sa minority leader, hindi niya ipinagpapalagay na tiyak ang conviction ni VP Sara.
Aniya, maaaring manatiling bukas ang isip ng mga senador sa ebidensiya habang maaga pa lang ay nililinaw na nila ang kanilang kahandaang isantabi ang personal na interes.
Iginiit din ni Cayetano na bagama’t may kapangyarihan ang Pangulo na pumili ng papalit na bise presidente, malaya pa rin ang sinumang senador na tanggihan ang posisyon. Para sa kaniya, mahalagang maipakita sa publiko na walang personal na pakinabang na makaiimpluwensiya sa magiging desisyon ng impeachment court.