Inakusahan ng Taiwan ang Beijing ng pagpapakalat ng “cognitive warfare” sa gitna ng paggunita sa makasaysayang pagbabalik ng isla sa kapangyarihan ng Tsina matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.
Sa pulong balitaan sa Taipei nitong Martes, pinuna ni Taiwan Defense Minister Wellington Koo ang paggamit ng China sa okasyon kahit wala aniyang ugnayan ang “War of Resistance” sa People’s Republic of China, na naestablisa lamang noong 1949.
Binigyang-diin din ng ministro ang matagal nang banta ng China para sa tuluyang pagsakop sa Taiwan.
Kasabay nito, hinikayat ng opisyal ang mga mamamayan ng isla na maging mapagmatyag.
Matatandaang Oktubre ng 1945 nang ibinalik ng Japan sa Tsina ang pamamahala sa Taiwan bilang bahagi ng pagsuko nito noong World War II.
Taong 1949 naman nang matalo ng Chinese Communist Party ang Nationalist Government sa mainland China, dahilan para mapaatras ang republika patungo sa Taiwan.