Suspendido pa rin ngayong araw, June 9, ang operasyon ng ilang hukuman sa Mindanao kasunod ng malakas na lindol na tumama sa rehiyon kahapon (June 8).
Ayon sa Korte Suprema, apektado ng suspensyon ang lahat ng korte sa lalawigan ng Sarangani, Hall of Justice ng Davao City, Panabo City, Nabunturan, Koronadal City, at General Santos City.
Kasama rin sa pansamantalang walang operasyon ang ilang Regional Trial Courts, Municipal Trial Courts at Municipal Circuit Trial Courts sa mga lalawigan ng Davao del Sur, Davao Occidental, Davao Oriental, Davao de Oro at South Cotabato.
Patuloy namang mino-monitor ng Korte Suprema ang sitwasyon sa mga apektadong lugar habang isinasagawa ang kinakailangang pagsusuri sa kaligtasan ng mga pasilidad ng hudikatura.