“Natsope. Nabahag ang buntot”, Ito ang matapang na pahayag ni House prosecutor at Bicol Saro Party-list Rep.Terry Ridon, matapos hindi sumipot sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ang tinaguriang “18 Maleta Boys” — ang grupo ng mga dating bodyguard umano ni dating Rep. Zaldy Co.
Matatandaang hinamon ni Ridon nitong nakaraang weekend ang grupo na ulitin sa ilalim ng panunumpa ang mga alegasyong una nilang ibinunyag.
Ayon kay Ridon, kung totoo ang kanilang mga paratang, wala silang dapat ikatakot sa pagharap sa opisyal na pagdinig ng Kongreso, at sa pagtatanong ng mga senador.
Dahil dito, sinabi ng mambabatas na seryosong nasira ang kredibilidad ng mga naunang pahayag ng grupo.
Kabilang si Ridon at iba pang miyembro ng House prosecution panel sa mga inakusahan ng mga dating bodyguard, na umano’y tumanggap ng mga maletang puno ng pera subalit wala umanong naipakitang ebidensya upang suportahan ang naturang alegasyon.
Sa kabila nito, iginiit ni Ridon na nananatiling nakatuon ang House prosecution panel sa kanilang tungkuling konstitusyonal at sa nalalapit na impeachment trial.#