Umaasa si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na mapabubuti ng Justice Sector Coordinating Council o JSCC ang koordinasyon ng mga ahensiya ng hustisya, partikular sa paghawak ng mga kasong administratibo.
Ito ay kasunod ng mga kasong inihain ng Ombudsman na umano’y ibinasura o hindi na umusad matapos makarating sa Court of Appeals, na una nang binanggit ni Remulla sa pagdinig ng Senate Committee on Finance.
Sa ambush interview sa Korte Suprema, inilarawan ni Remulla ang Court of Appeals bilang tila “graveyard” o libingan ng mga desisyon ng Ombudsman dahil sa mga kasong hindi na nagpatuloy.
Iginiit din niya na tila may magkakaugnay na pagsisikap noon upang maibasura ang mga naturang kaso.
Binigyang-diin ni Remulla na may kapangyarihan ang Ombudsman na tanggalin sa serbisyo ang mga opisyal na umaabuso sa kanilang kapangyarihan o gumagawa ng mga paglabag na maaaring maging batayan ng kasong administratibo.
Sa ngayon, tinitipon ng Ombudsman ang mga rekord ng mga kasong umabot sa Court of Appeals upang maipakita kung paano pinangasiwaan ng appellate court ang mga ito.
Ang pahayag ni Remulla ay kasunod ng tanong tungkol sa mga susunod na hakbang matapos imbitahan ng Korte Suprema ang Ombudsman na magsampa ng mga kaso laban sa mga mahistrado ng Court of Appeals na umano’y sangkot sa katiwalian.