Inaprubahan ng Department of Budget and Management (DBM) ang 3,627 bagong teaching at teaching-related positions para sa bagong tatag na Schools Division Office (SDO) ng Sulu.
Kabilang dito ang 3,618 teaching items mula Teacher I hanggang Master Teacher II, at siyam na posisyon para sa mga head teacher at school principal.
Bukod pa ito sa 84 na administrative positions na naunang inaprubahan, kung saan 40 ay para sa mga kasalukuyang kawani ng Ministry of Basic, Higher and Technical Education-BARMM sa Sulu.
Tiniyak ni Education Secretary Sonny Angara na protektado ang mga guro at kawani at hindi pababayaan ang kanilang kabuhayan. Obligasyon din aniya ng DepEd na tuparin ang pangako ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. na walang maiiwan sa paglilipat ng sistema ng edukasyon sa Sulu sa kagawaran.
Sa ngayon, pinabibilis na ng DepEd ang deployment at appointment ng mga guro para hindi maantala ang kanilang sweldo at benepisyo.