Pormal nang idineklara sa bayan ng Matuguinao ang Stable Internal Peace and Security (SIPS) Condition.
Ang deklarasyon ng SIPS Condition ay nangangahulugang ang isang munisipyo ay nananatiling mapayapa sa nakalipas na mga taon kung saan wala nang naitatalang presensya ng mga armadong grupong iniuugnay sa terorismo at wala nang mga mararahas na insidenteng may kaugnayan sa armadong insurhensiya.

Ipinapakita rin ng deklarasyon ang malinaw na pagtanggi ng publiko sa anumang pagtatangka ng CPP-NPA-NDF na makapagpalawak ng impluwensya at makapag-recruit ng mga bagong miyembro. Bunga ito ng patuloy na pakikipagtulungan ng komunidad at ng suporta ng lokal na pamahalaan sa mga programa para sa kapayapaan at seguridad.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Mayor Aran Boller na ang tunay na sukatan ng kaunlaran ay hindi lamang nakikita sa mga naipatupad na proyekto kundi sa pagkakaroon ng isang mapayapa at ligtas na komunidad.
“Ang sukatan ng kaunlaran ay hindi lamang nakikita sa mga naitayong proyekto kundi sa patuloy na kapayapaan kung saan ang bawat isa ay malaya sa anumang panganib tulad ng kriminalidad, insurhensiya, at iba pang iligal na aktibidad.”
Dagdag pa ng alkalde, bunga ng sama-samang pagsisikap ng mga residente, lokal na pamahalaan, at mga ahensyang nagpapatupad ng batas ay unti-unti nang nawala ang impluwensya ng armadong kilusan sa kanilang nasasakupan.
“Dahil sa ating pagtutulungan upang tuluyan nang mawala ang puwersa ng teroristang NPA sa ating hurisdiksyon dito sa Bayan ng Matuguinao, masasabi na natin ngayon na handa na tayo. Handa na ang ating bayan para sa tunay na pag-unlad.”
Ang pagkamit ng SIPS Condition ay hindi nangangahulugan ng pagtatapos ng mga hakbang para sa seguridad kundi isang panawagan upang higit pang palakasin ang pagkakaisa ng pamahalaan at mamamayan sa pagpapanatili ng kapayapaan.