Masusing nakamasid ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa mga nangyayari sa bansa kabilang na ang usapin ng liderato ng Senado.
Sagot ito ni AFP Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. sa tanong ni Davao City Rep. Paolo Pulong Duterte kung nakikita ba ng Sandatahang Lakas ang mga pangyayari sa bansa.
Sa panayam kay Brawner sa Kampo Aguinaldo, ipinaliwanag nito na gumagana ang lahat ng demokratikong proseso gaya ng pagsasagawa ng pagdinig ukol sa katiwalian.
Patunay ito aniya na gumagana ang demokrasya sa mga pangunahing institusyon sa bansa.
Una rito, sinabi ni Sen. Panfilo Lacson na may natatanggap silang impormasyon hinggil sa ilang nasa unipormadong hanay umano ang bumubuo ng batalyon na umaabot pa sa regional levels.
Magugunitang maka-ilang ulit nang sinasabi ng AFP ang kanilang paninindigan na sila’y apolitical at walang kulay na pinapanigan dahil ang kanilang katapatan ay nakasandig sa watawat at Saligang Batas.