Naitala sa initial assessment ng mga Regional Disaster Risk Reduction and Management Office 12 ang malawakang pinsala sa mga kritikal na imprastraktura sa General Santos City at karatig lugar matapos ang 7.8 magnitude na lindol na tumama sa lugar kahapon.
Ayon sa ulat, nasa 12 kalsada at limang tulay ang napinsala, kung saan may ilang bahagi na may limitadong akses at mahirap madaanan dahil sa epekto ng pagyanig.
Samantala, pansamantalang isinuspinde ang operasyon ng General Santos City International Airport, dahilan upang makansela ang mga nakatakdang biyahe. Sa kasalukuyan, pinapayagan lamang ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) ang mga flight na may kaugnayan sa operasyon ng pamahalaan at mga humanitarian mission.
Nasa 16 na kabahayan naman ang naitalang nasira, kabilang ang walong bahagyang napinsala at walo naman ang totally damaged.
Tinatayang nasa ₱979.5 milyon ang halaga ng pinsala sa imprastraktura batay sa paunang assessment, habang patuloy pang bineberipika ang lawak ng pinsala sa sektor ng agrikultura.
Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na manatiling mapagmatyag dahil sa mga nararanasang aftershocks at mahigpit na sundin ang mga abiso at paalala ng Local Disaster Risk Reduction and Management Office upang matiyak ang kaligtasan ng lahat. | ulat ni Macel Dasalla | RP Davao