Mahigpit na nakikipag-ugnayan ang Philippine National Police (PNP) sa Office of Civil Defense, National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at mga lokal na pamahalaan kasunod ng magnitude 7.8 na lindol na tumama sa Sarangani.
Ayon kay PNP Chief Police Gen. Jose Melencio, Nartatez, Jr., naka-heightened alert na ang mga tauhan ng Pambansang Pulisya sa buong Mindanao upang tumulong sa evacuation at relief operation, at magbigay ng seguridad sa mga kritikal na imprastraktura.
Nakabantay din ang PNP sa mga evacuation center para masigurong ligtas at maayos ito, partikular para sa mga residenteng lumikas mula sa mga komunidad sa baybayin na nasa ilalim ng tsunami warning.
Nanawagan ang PNP sa publiko na sundin ang mga abiso ng mga awtoridad, lumipat sa mas mataas na lugar.
Tiniyak ng Pambansang Pulisya na patuloy rin nitong mino-monitor ang sitwasyon at nakahandang magbigay ng agarang tulong kung kinakailangan. | ulat ni Diane Lear