Muling iginiit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng pagkakarouon ng Code of Conduct (COC) sa West Philippine Sea.
Sa harap ng mga business leaders sa isinagawang Forbes Global CEO Conference ay inihayag ng Punong Ehekutibo na may pangamba siya na sa isang maliit na pagkakamali halimbawa, sa hanay ng mga mangingisda at mga sundalo na naglalayag sa West Philippine Sea ay baka magdulot ito ng mas kumplikadong sitwasyon.
Kaya ipinunto ng Pangulo, sadyang importante na magkaroon ng umiiral na code of conduct na isang tratado sa pagitan ng ASEAN at China.
Kaugnay nito ay inihayag ng Pangulo, na may magandang progreso namang nagaganap kung pag-uusapan ay Code of Conduct bagamat hindi na nito idinetalye pa ang magandang iniuusad ng COC.
Dagdag ng Pangulo, na nagkakaisa ang mga bansang kasapi ng ASEAN sa pangangailangang magpatibay ng bagong doktrina na papalit sa naunang panuntunan upang maiwasan ang mga insidente at hindi pagkakaunawaan sa rehiyon.