Buong puwersa ng pamahalaan ang nagtutulong-tulong sa ginagawa ngayong pagtugon sa pangangailangan ng mga tinamaan ng malakas na pagyanig sa Mindanao.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, ang whole of government approach ay base na din sa naging kautusan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa harap ng pagnanais nitong maging mabilis ang responde ng gobyerno.
Sinabi ni Castro na ipinasisiguro ng Pangulo na kumikilos ang pamahalaan at hindi kailanman pababayaan ang Mindanao sa gitna ng aniya’y pagsubok na dumating dito.
Prayoridad, aniya, na maiparating ang paunang tulong sa mga residente at maihanap ng maayos na mga evacuation centers para sa mga apektadong residente.
Dagdag ni Castro na magpapatuloy din ang pakikipag-ugnayan ng national government sa mga lokal na opisyal at regional offices upang matiyak ang mabilis at maayos na pagtugon sa sitwasyon. | ulat ni Alvin Baltazar