Inilabas ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga panuntunan sa tamang pasahod sa darating na June 12, 2026, kasabay ng paggunita sa ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan.
Sa ilalim ng Labor Advisory No. 11, Series of 2026 na nilagdaan ni Labor Secretary Francis Tolentino, pinaalalahanan ng DOLE ang mga pribadong employer na sundin ang tamang holiday pay rules para sa mga manggagawa sa nasabing regular holiday.
Ayon sa advisory, ang mga empleyadong papasok sa trabaho sa June 12 ay may karapatang tumanggap ng kabuuang 200 porsiyento ng kanilang arawang sahod para sa unang walong oras ng trabaho (basic wage x 200 percent).
Para naman sa overtime work o trabahong lagpas sa walong oras, may karagdagang 30 porsiyento sa hourly rate ang dapat ibigay ng employer (hourly rate ng basic wage x 200 percent x 130 percent x bilang ng oras na nagtrabaho).
Kung ang isang empleyado ay pumasok sa trabaho sa isang regular holiday na siya ring tumapat sa kanyang rest day, mas mataas na kabayaran ang ipatutupad, kung saan makatatanggap siya ng karagdagang 30 porsiyento ng 200 percent na basic wage (basic wage x 200 percent x 130 percent).
Para sa overtime sa ganitong sitwasyon, magdadagdag pa rin ng 30 porsiyento sa hourly rate (hourly rate ng basic wage x 200 percent x 130 percent x 130 percent x bilang ng oras na nagtrabaho).
Samantala, ang mga empleyadong hindi papasok sa trabaho sa naturang holiday ay makatatanggap pa rin ng 100 porsiyento ng kanilang sahod, basta’t sila ay pumasok o naka-leave with pay sa araw na agad na nauna sa holiday.
Ipinaliwanag din ng DOLE na kung ang araw bago ang holiday ay hindi working day sa kumpanya o kaya ay rest day, mananatili pa rin ang karapatan ng empleyado sa holiday pay kung sila ay pumasok o may bayad na leave bago ang naunang non-working day o rest day (basic wage x 100 percent).
Ang naturang paalala ay alinsunod sa Proclamation No. 1006 ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., na nagdedeklara sa June 12 bilang isang regular holiday bilang pagdiriwang ng Araw ng Kalayaan.