Photo courtesy of Department of Budget and Management
Magkakaroon ng karagdagang oportunidad ang mga Pilipino sa edukasyon matapos makumpleto ang bagong apat na palapag na gusali ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) Open University sa Mabini Campus.
Ayon kay Department of Budget and Management (DBM) Acting Secretary Kim Robert de Leon, pinondohan ng P185 million ang gusali na makatutulong upang mas mapalawak ang abot-kaya at flexible na degree at non-degree programs para sa libu-libong Pilipino.
Sinabi rin ni De Leon na alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magbigay ng mas maraming oportunidad sa pag-aaral at tiyaking napapakinabangan ng mamamayan ang pondong mula sa pambansang budget.
Makikinabang sa proyekto ang mga working professionals, guro, out-of-school youth, at iba pang mag-aaral na nahaharap sa limitasyong pinansyal, heograpikal, o kakulangan sa oras upang makadalo sa tradisyunal na klase.
Dagdag pa ng DBM, patunay ang proyekto na ang maayos na pagpaplano at pagpapatupad ng budget ay nagiging tunay na puhunan para sa edukasyon at kinabukasan ng mga Pilipino.