Iniulat ng Department of Agriculture (DA) na wala pang naitatalang pinsala sa sektor ng agrikultura kasunod ng malakas na lindol na tumama sa Sarangani Province.
Batay ito sa paunang ulat ng mga regional office ng DA sa Mindanao at Eastern Visayas.
Gayunman, nakahanda na ang iba’t ibang ayuda para sa mga magsasaka at mangingisdang maaaring naapektuhan ng kalamidad.
Kabilang sa mga nakaabang na tulong ang mga binhi ng palay, mais at gulay, mga pataba, livestock assistance, fingerlings, at mga kagamitang pangisda.
Mayroon ding nakalaang suplay ng bigas mula sa National Food Authority (NFA).
Samantala, maaaring umutang ng hanggang ₱25,000 ang mga kwalipikadong benepisyaryo sa ilalim ng Survival and Recovery Loan Program, na walang interes at may tatlong taong palugit sa pagbabayad.
Ayon sa DA, nagpapatuloy ang damage assessment, pakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, at pagmo-monitor sa presyo at suplay ng mga produktong agrikultural sa mga lugar na naapektuhan ng lindol.