Nailigtas ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang babaeng pasahero na hinihinalang ni-recruit para sa prostitusyon sa Malaysia sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3.
Sinabi ni BI Commissioner Joel Anthony Viado na ang mga biktima, na may edad 33 at 23, ay hinarang ng primary inspection officer na miyembro ng Immigration Protection and Border Enforcement Section (I-PROBES) bago sumakay ng Cebu Pacific flight patungong Kuala Lumpur, Malaysia.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang dalawang babae ay nag-claim na sila ay mga turista, ngunit kalaunan ay inamin na sila ay pinangakuan ng trabaho sa isang KTV bar sa Malaysia sa pamamagitan ng isang recruiter na tinukoy ng isa sa kanilang mga kasama.
Ayon sa mga biktima, nakipag-ugnayan lamang sila sa umano’y recruiter sa pamamagitan ng intermediary at walang kontrata sa trabaho o valid work visa.
Inamin din ng isa sa mga pasahero na nagbabayad ng P10,000 para sa mga gastos sa paglalakbay.
Ang mga biktima ay itinurn-over sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa tulong at case build-up laban sa mga indibidwal na sangkot sa kanilang recruitment.