Makalipas ang pananalasa ng Bagyong Uwan noong nakaraang taon, 141 pamilya sa bayan ng Luna ang nakatanggap ng tulong pinansyal mula sa Provincial Government of La Union (PGLU) upang makatulong sa pagkukumpuni ng kanilang mga tahanan at mapabilis ang kanilang pagbangon mula sa epekto ng kalamidad.
Isinagawa ang pamamahagi ng financial assistance nitong Hunyo 9 sa Luna Sports Center sa pangunguna ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO).
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, ang mga benepisyaryo ay pawang may mga bahay na nagtamo ng bahagyang pinsala dulot ng bagyo. Dumaan din sila sa masusing validation at cross-matching process na isinagawa ng mga municipal social worker upang matiyak na ang tulong ay mapupunta sa mga karapat-dapat na tumanggap nito.
Mula sa pondo ng Provincial Government of La Union ang ipinamahaging ayuda na nakalaan para sa pagbili ng mga construction materials at pagsasagawa ng kinakailangang pagkukumpuni sa mga nasirang bahagi ng kanilang mga tahanan.
Bahagi ang programang ito ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaang panlalawigan na tulungan ang mga residenteng naapektuhan ng kalamidad at suportahan ang kanilang pagbabalik sa mas ligtas at matatag na pamumuhay. | via Albert Caoile, RP Agoo