Pinagtibay ng 13th Manila City Council sa ikatlo at pinal na pagbasa ang Ordinance No. 9192 na naglalaan ng ₱40 milyong pondo bilang legal deposit para sa pagsasampa ng Expropriation Proceedings sa mga pribadong lupa sa Mayhaligue, District 2.
Ang hakbang ay bilang pagtugon sa direktiba ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso upang matiyak ang permanente at maayos na pabahay para sa mga residente at mga pamilyang naapektuhan ng sunog sa lugar.
Pinangunahan ni Presiding Officer at Vice Mayor Chi Atienza ang pag-apruba ng ordinansa, na inihain at naipasa sa loob lamang ng isang araw.
Ayon sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila, ang ₱40 milyong pondo ang unang hakbang upang maisulong ang pagkuha ng lupang tinitirhan ng mga residente ng Mayhaligue na matagal nang nahaharap sa usapin ng pananatili sa kanilang komunidad.
Ang ordinansa ay inakda nina Manila City Councilors Darwin “Awi” Sia, Edward Tan, John Christopher “Bolong” Sy, at Raymundo “Mon” Yupangco. | ulat ni Lorenz Tanjoco