Nagkaisa ang Department of the Interior and Local Government o DILG La Union at Bureau of Fire Protection o BFP La Union upang higit pang palakasin ang fire safety governance sa mga pampublikong gusali sa lalawigan.
Sa pamamagitan ng Project FOCUS o Fire Prevention through Oversight, Compliance, and Uniform Safety Standards, layunin ng DILG at BFP La Union na tiyakin ang pagsunod ng mga pampublikong gusali at tanggapan ng pamahalaan sa mga itinakdang pamantayan sa kaligtasan laban sa sunog.
Ayon sa DILG La Union, nabuo ang inisyatibang ito kasunod ng mga talakayan sa Local Governance Provincial Resource Center Multi-Stakeholders Advisory Committee o LGPRC-MSAC meeting. Dito, binigyang-diin ng BFP La Union ang kahalagahan ng mahigpit na pagpapatupad ng Republic Act No. 9514 o Fire Code of the Philippines, hindi lamang sa mga pribadong establisimyento kundi maging sa mga pampublikong gusali at pasilidad ng pamahalaan.
Kabilang sa mga pangunahing hakbang sa ilalim ng Project FOCUS ang pagsasagawa ng province-wide inventory ng mga pampublikong gusali, information and advocacy campaigns, paghikayat sa mga tanggapan ng gobyerno na sumailalim sa Fire Safety Inspections, at regular na pagmomonitor sa pagsunod sa mga rekomendasyon ng BFP.
Magkakaroon din ng monitoring and evaluation system upang masubaybayan ang progreso ng programa at matiyak ang pagpapatupad ng mga kinakailangang corrective measures.
Sa pamamagitan ng mas pinaigting na koordinasyon, pananagutan, at pagsunod sa mga alituntunin, inaasahang makatutulong ang Project FOCUS sa paglikha ng mas ligtas na mga lugar ng trabaho, pagprotekta sa mga ari-arian ng pamahalaan, at pagpapalakas ng kultura ng kahandaan at resiliency sa buong lalawigan ng La Union. | CJF