Halos 8,000 mga bakanteng posisyon sa trabaho ang maaring aplayan ng mga naghahanap ng trabaho sa isasagawang Mega Local and Overseas Job Fair ngayong darating na June 12 dito sa lungsod ng Cebu.
Ang nasabing job fair ay bahagi ng Independence Day Celebration kung saan pangungunahan ito ng Department of Labor and Employment Region VII katuwang ang Cebu City Department of Manpower Development and Placement.
Nasa mahigit 45 local employers, at limang recruitment agencies para sa overseas employment ang inaasahang dadalo sa nasabing job fair kung saan nag-aalok ng 7,871 na mga trabaho.
Karamihan sa mga inaalok na trabaho ay nagmula sa retail and wholesale trade, at information technology-business process management (IT-BPM).Maliban sa mga job applicants, may mga oportunidad ring naghihintay sa mga gustong pumasok sa pagnenegosyo at self employment sa tulong ng mga partner institution.
Mayroon ring one-stop shop of government services kung saan maaring makapag-avail ng mga serbisyo mula sa mga ahensya ng gobyerno lalo na ang mga first time job seekers at wala pang record sa SSS, Pag-ibig at Philhealth. | ulat ni Angelie Valiente | RP Cebu