Libo-libong residente na inilikas dahil sa pagbaha sa Quezon City, Malabon at Valenzuela ang nagpalipas ng magdamag sa mga evacuation center, bunsod ng patuloy na pag-ulan dulot ng Habagat.
Sa Quezon City, umabot sa 3,628 pamilya o 12,594 indibidwal ang inilikas at nanatili sa mga itinalagang evacuation site.
Sa Malabon naman, 628 pamilya o 2,200 indibidwal ang nasa 20 evacuation centers.
Samantala, sa Valenzuela, nagbukas ang pamahalaang lungsod ng 39 evacuation centers para sa 1,613 pamilyang inilikas mula sa mga bahaging binabaha.
Tiniyak ng mga lokal na pamahalaan na patuloy ang pagbibigay ng pagkain at iba pang pangunahing pangangailangan ng mga evacuee, kasabay ng patuloy na pagmomonitor sa kanilang mga lugar.
Batay sa mga pinakahuling ulat, may ilang lugar pa sa mga nabanggit na lungsod ang hindi pa humuhupa ang tubig-baha at hindi pa ligtas para sa mga residente na balikan ang kanilang mga tahanan.