Muling pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government ang mga lokal na pamahalaan na agad magpatupad ng preemptive at forced evacuation sa mga lugar na mataas ang panganib sa baha at landslide.
Kasunod ito ng patuloy na malalakas na pag-ulan sa ilang bahagi ng Luzon at Visayas dahil sa Habagat na pinalalakas ng Low Pressure Area.
Ayon sa DILG, dapat unahin ang kaligtasan ng mga bata, senior citizens, buntis, at persons with disabilities.
Sa mga lugar na madaling bahain, dapat agad ipatupad ang preemptive evacuation kapag papalapit na sa kalahating metro ang taas ng tubig.
Samantala, agad na inirerekomenda ang paglikas sa mga komunidad na mataas ang panganib sa rain-induced landslide.
Libo-libong tauhan ng PNP at BFP ang nakatalaga upang tumulong sa evacuation centers at mga lugar na apektado ng baha.
Hinikayat ng DILG ang publiko na kusang lumikas at makipagtulungan sa mga awtoridad upang maiwasan ang pagkasawi ng buhay.