Gagamitin ng Department of Education (DepEd) ang higit sa ₱3.5 bilyong Quick Response Fund (QRF) para sa agarang pagtugon at pangmatagalang rehabilitasyon ng mga paaralang naapektuhan ng 7.8 magnitude na lindol sa Mindanao.
Ayon sa DepEd, ilalaan ang pondo para sa structural reconstruction at pagpapalit ng mga nasirang gusali at pasilidad sa mga paaralan, matapos ang masusing beripikasyon ng pinsala.
Ito ay alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang whole-of-government response upang agad na matulungan ang mga apektadong komunidad kasunod ng malakas na pagyanig sa ilang bahagi ng Mindanao.
Sa pahayag ni Education Secretary Sonny Angara, iniutos na ang komprehensibong disaster response para sa 267 paaralang matinding naapektuhan ng lindol.
“Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Bongbong Marcos na maging mabilis ang pagtugon ng pamahalaan sa panahon ng kalamidad, gumagamit tayo ng mga konkretong datos upang masigurong mabilis at tamang tulong ang nakakarating sa mga apektadong komunidad,” ani Angara.
Learning continuity at agarang interbensyon
Bilang bahagi ng agarang tugon, inilunsad ang deployment ng 130 fully equipped Learning Continuity Spaces (LCS) na nagkakahalaga ng ₱235.1 milyon. Kabilang dito ang emergency power supply at Starlink Wi-Fi connectivity na ipapadala sa mga apektadong rehiyon sa Mindanao.
Naglaan din ang ahensya ng ₱258.98 milyon para sa printing at mabilis na distribusyon ng prepositioned learning packets upang matiyak ang tuloy-tuloy na pag-aaral ng mga mag-aaral na naapektuhan ng pagkasira ng mga paaralan.
Dagdag pa rito, inaprubahan ang ₱43.9 milyon para sa mga classroom na nagtamo ng minor damage, at ₱7.7 milyon para sa clean-up at clearing operations sa 267 apektadong paaralan.
Lawak ng pinsala sa imprastraktura
Batay sa rapid assessment, umabot sa 1,391 classrooms ang nagtamo ng iba’t ibang antas ng pinsala sa 267 pampublikong paaralan sa 15 school divisions.
Sa naturang bilang, 896 ang may minor damage, 296 ang major damage, at 199 ang tuluyang nawasak.
Pinakamaraming apektadong paaralan ang naitala sa Sultan Kudarat at South Cotabato, kabilang ang iba pang lalawigan sa Zamboanga Peninsula, Northern Mindanao, Davao Region, SOCCSKSARGEN, at Caraga.
Kaligtasan ng mga guro at mag-aaral
Muling iginiit ng DepEd na nananatiling prayoridad ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral at guro bago ang pagbabalik ng normal na klase.
“Ang prayoridad natin ngayon ay ang kaligtasan at kapakanan ng ating mga guro at mag-aaral,” diin ni Angara.
Nagpadala rin ang ahensya ng mga rehistradong guidance counselor upang magsagawa ng Psychological First Aid (PFA) at mental health screening para sa mga estudyante at kawani na naapektuhan ng trauma.
“Kailangan muna nating maiayos at mapatag ang sitwasyon sa ground bago natin ligtas na maibalik ang normal na daloy ng edukasyon sa mga silid-aralan,” dagdag niya.
Suspensyon at unti-unting pagbabalik ng klase
Sa kasalukuyan, nasa Level 4-Hinto (Stop) ang mga lugar na mataas ang panganib, alinsunod sa bagong Guidelines on Learning Continuity in Emergencies ng DepEd.
Naghahanda rin ang ahensya para sa posibleng transition sa Level 3-Hinga (Check-in) gamit ang mga unstructured learning materials.
Aabot sa 8,208 paaralan sa Mindanao ang kasalukuyang suspendido ang klase, habang 818 paaralan na ang nakabalik sa face-to-face learning.
Patuloy namang mino-monitor ng DepEd ang sitwasyon upang matiyak ang kaligtasan at agarang pagbangon ng sektor ng edukasyon sa mga apektadong lugar.