Agarang ipinag-utos ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang inspeksyon sa mga gusali, imprastraktura, at kabahayan sa Southern Mindanao matapos ang malakas na lindol.
Sa inilabas na advisory, inatasan ng ahensiya ang mga gobernador, alkalde, building officials, at mga city at municipal engineer sa Regions 9, 11, at 12 na magsagawa ng mabilisang structural assessment sa mga istrukturang posibleng napinsala.
Binigyang-diin ng DILG na dapat munang masuri at ideklarang ligtas ang mga gusali bago payagang makabalik ang mga residente.
Kung mapatutunayang hindi ligtas ang isang istruktura, inatasan ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng agarang paglikas at pansamantalang relokasyon upang maiwasan ang posibleng sakuna.
Nakikipag-ugnayan na rin ang DILG sa DPWH, PHIVOLCS, Bureau of Fire Protection (BFP), at mga local DRRMO upang mapatunayan ang mga ulat ng pinsala at maipatupad ang mga kinakailangang hakbang habang nagpapatuloy ang mga aftershock sa mga apektadong lugar.