Muling nagpaalala ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista na mahigpit na ipinagbabawal ang pagparada ng sasakyan sa paligid ng mga paaralan, kasabay ng ikalawang araw ng pasukan para sa School Year 2026–2027.
Ayon kay Special Operations Group–Strike Force (SOG-SF) chief Gabriel Go, ituturing na “no-parking zones” ang mga school zone at hindi papayagan ang paggamit ng mga kalsada sa paligid ng paaralan bilang paradahan o waiting area.
“Walang parking zones sa paligid ng mga paaralan… walang puwedeng pumarada diyan,” pahayag ni Go sa isang forum ng Manila City Hall Reporters’ Association.
Binigyang-diin niya na mahigpit na ipinatutupad ng MMDA ang Republic Act 4136 na nagbabawal sa maling pagparada, kabilang ang pagharang sa fire hydrants, pedestrian lanes, at mga kanto ng kalsada.
Giit pa ng opisyal, ang mga pampublikong kalsada ay para sa lahat at hindi dapat sagabal sa daloy ng trapiko at kaligtasan ng publiko.
“Ang kalsada ay para sa publiko at wala tayong karapatang harangan ito. Ang layunin natin ngayong Balik-Eskwela ay masiguro ang tuloy-tuloy na daloy ng mga sasakyan at ligtas na paggamit ng mga kalsada. Ang mga bangketa ay para sa mga estudyante at pedestrian,” dagdag niya.
Hinimok din ng MMDA ang mga paaralan at publiko na agad i-report ang mga paglabag sa kanilang 24/7 hotline 136 o sa Presidential Action Center (8888). Maaari ring idulog ang mga reklamo sa opisyal na social media accounts ng ahensya.
📷 File photo