Nakatakdang makipagpulong si Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro sa iba’t ibang stakeholders sa Myanmar, kabilang ang mga ethnic groups doon, upang talakayin ang sitwasyon sa bansa bago ang gaganaping malaking pagtitipon ng mga foreign ministers sa Timog-Silangang Asya sa susunod na buwan.
Sa isang text message sa mga mamamahayag nitong Huwebes, sinabi ni Foreign Affairs spokesperson para sa ASEAN Affairs Dax Imperial na ang pagpupulong ay “maaaring mangyari sa unang bahagi ng Hulyo, bago ang AMM-PMC (ASEAN Foreign Ministers’ Meeting-Post-Ministerial Conferences).”
Bago ito, nauna nang naulat sa Reuters ang naging pahayag ni Lazaro kung saan sinabi nitong plano niyang makipagkita sa “ilang partikular na ethnic armed groups upang alamin ang sitwasyon at kung paano ba talaga kami makatutulong.”
Kung matutuloy ang mga pag-uusap ayon sa plano, ito na ang magiging ikalawang pagpupulong ng Myanmar stakeholders na ipatatawag ni Lazaro bilang Special Envoy ng ASEAN Chair on Myanmar.
Ang unang pagpupulong, na ginanap sa Lungsod ng Tagaytay noong Enero, ay dinaluhan ng iba’t ibang grupo sa politika at etniko mula sa Myanmar. Sa naturang pulong, nagpalitan ng pananaw ang mga kalahok kung paano isusulong ang pagpapakalma sa sitwasyon (de-escalation), pagpapadali ng tulong pangkatauhan (humanitarian assistance), epektibong pagtugon sa transnational crime, at pagtataguyod ng politikal na diyalogo sa pagitan ng mga may kinalamang stakeholders.
Noong panahong iyon, binigyang-diin ni Lazaro na ang pagpupulong ay isang mahalagang bahagi ng estratehiya ng ASEAN Chair upang makasalamuha at makapanyam ang iba’t ibang stakeholders sa Myanmar.