Magkakaloob ang Philippine Sports Commission (PSC) ng tig-P250,000 na ayuda sa pamilya nina Rene Baterbonia at Divine Adili, ang dalawang manlalaro ng Ateneo de Manila University na nasawi dahil sa pagkalunod sa Dipaculao, Aurora noong Lunes.
Inanunsyo ito ni PSC Chairperson na si Pato Gregorio sa isang press conference noong Miyerkules matapos ang pagpupulong ng sports stakeholders’ panel na binuo upang tugunan ang trahedyang ikinasawi ng dalawang collegiate basketball players.
Ayon kay Gregorio, napagkasunduan ng PSC at iba pang ahensya ng pamahalaan na maglaan ng agarang tulong pinansyal para sa mga naulilang pamilya.
“Ang ibibigay ng Philippine Sports Commission, katuwang ang lahat ng sektor ng gobyerno na narito ngayon, ay P250,000 para sa pamilya ni Rene at P250,000 para sa pamilya ni Divine. Ito ang tulong ng gobyerno upang matugunan ang pangangailangan ng mga pamilya ng mga nasawi,” ani Gregorio sa media briefing na ginanap sa Rizal Memorial Sports Complex.
Sa naturang pagpupulong, bumuo rin ang panel ng mga agarang hakbang at resolusyon upang maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
Kinilala ng grupo ang mabilis na pagtugon ng Commission on Higher Education, kabilang ang pagsasagawa ng fact-finding mission kaugnay ng team-building activity kung saan naganap ang trahedya, gayundin ang pagbibigay ng psychosocial support at iba pang serbisyo sa mga naulilang pamilya.
Sa pahayag ng CHED, inatasan agad ng kanilang tanggapan sa Metro Manila ang Ateneo de Manila University na magsumite ng komprehensibong ulat tungkol sa insidente. Nagsagawa rin ng pagpupulong ang komisyon at mga opisyal ng unibersidad upang talakayin ang agarang tugon at ang isasagawang administrative review.
Binigyang-diin ng CHED na kinakailangan ang isang masusing, patas, at agarang imbestigasyon upang malaman ang lahat ng pangyayaring nakapalibot sa pagkamatay ng dalawang estudyante-atleta.
Samantala, nagpahayag din ng suporta ang stakeholders’ panel sa panukalang Sports Coaching Act na isinusulong sa Kongreso ni Mike Dy. Layunin ng panukala na magtatag ng pambansang rehistro para sa mga coach at gawing mandatoryo ang kanilang licensing at certification.
Napagkasunduan din ng grupo na magpatupad ng mas mahigpit na safety standards, risk management protocols, at emergency response mechanisms sa lahat ng antas ng palakasan—mula grassroots hanggang professional sports.
Makikipagtulungan din ang PSC sa Philippine Life Saving upang palawakin ang mga programa para sa water safety education, certification, at kahandaan ng mga sports personnel.
Ayon sa pinagsamang pahayag ng sports stakeholders’ panel, bagama’t hindi na maibabalik ang buhay ng dalawang atleta, magsisilbing aral ang trahedya upang maisulong ang mga repormang magpapalakas sa kaligtasan ng mga atleta sa bansa.
“We cannot undo what has happened, but we can ensure that this loss is not without purpose. The most meaningful way to honor Rene and Divine is to commit ourselves to legacy reforms that build a sporting environment worthy of every athlete who entrusts their dreams to it,” ayon sa pahayag ng panel.