Nagpasalamat ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa mga pangunahing telco na nagkaisa para mapanatiling konektado ang mga lugar sa Mindanao na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol.
Ayon sa DICT, mabilis na tumugon ang Globe, PLDT, at Smart sa panawagan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na suportahan ang mga apektadong komunidad at tiyakin ang tuloy-tuloy na komunikasyon sa panahon ng sakuna.
Sa pakikipagtulungan sa Starlink, inilunsad ng Globe ang satellite-to-mobile connectivity sa South Cotabato, Sarangani, at Sultan Kudarat na nagbigay-daan sa mga subscriber na makapagpadala ng mensahe at makagamit ng data services kahit sa mga lugar na napinsala ang mga tradisyunal na network.
Samantala, naglatag naman ang PLDT at Smart ng libreng Wi-Fi services, charging stations, at communication support facilities sa General Santos City para matulungan ang mga residente at mga emergency response team.
Nagbigay rin ang dalawang kumpanya ng connectivity support sa mga lokal na emergency operations at command centers para mapabilis ang koordinasyon sa gitna ng nagpapatuloy na disaster response operations.