Nakatutok ngayon ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa posibleng epekto ng oil spill na dulot ng pagsadsad ng cargo vessel na LCT MSCI 1 sa karagatang sakop ng Barangay La Virgen Milagrosa sa Badoc, Ilocos Norte noong June 8.
Ayon sa BFAR, nakitaan na ng bakas ng langis ang ilang bahagi ng baybayin ng Barangay La Virgen Milagrosa sa Badoc, Ilocos Norte at Barangay Dadalaquiten Norte sa Sinait, Ilocos Sur.
Batay rin sa inisyal na assessment, tinatayang nasa 135 rehistradong mangingisda ang maaaring maapektuhan ang kabuhayan dahil sa insidente.
Gayunman, wala pang naitatalang fish kill incidents o malawakang pinsala sa yamang-dagat sa mga apektadong lugar.
Wala rin umanong kumpirmadong ulat ng kontaminasyon sa mga isda at iba pang produktong pangisdaan na inilalako para sa pagkain ng tao.
Bilang pag-iingat, nagsasagawa na ang BFAR ng fish at seafood sampling sa mga posibleng apektadong lugar para matiyak na ligtas pa ring kainin ang mga produktong mula sa karagatan.