Maglulunsad ang Philippine Postal Corporation (PHLPost) ng bagong hanay ng commemorative stamps bilang pagpupugay sa ika-150 anibersaryo ng kapanganakan ng mga bayaning Katipunero na sina Gregoria “Oriang” de Jesus at Emilio “Pingkian” Jacinto.
Gaganapin ang unveiling ceremony sa Activity Area ng Robinsons Place Ermita sa Maynila sa Hunyo 12, 2026, bilang bahagi ng pagdiriwang ng ahensya sa ika-128 anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Dinisenyo ng in-house layout artist ng PHLPost na si Jose Antonio Jayme, tampok sa mga selyo ang mga larawan nina De Jesus at Jacinto, dalawang mahalagang personalidad ng Katipunan na nagbigay ng malaking ambag sa pakikibaka para sa kalayaan ng bansa sa kabila ng kanilang murang edad.
Ayon kay Postmaster General Maximo Sta. Maria III, layunin ng paglulunsad na ipakilala sa makabagong henerasyon ang mayamang kasaysayan at kabayanihan ng dalawang rebolusyonaryong lider.
“Sa panahon kung kailan maraming kabataan ang naghahanap ng inspirasyon at mga huwaran, mahalagang maipakilala natin ang mga kabataang bayani na tumulong humubog sa ating bansa,” ani Sta. Maria.
Dagdag pa niya, umaasa ang PHLPost na sa pamamagitan ng mga selyo ay mas maraming Pilipino ang muling makatutuklas sa kanilang mga kuwento at higit na magpapahalaga sa kanilang sakripisyo para sa bayan.
“Sa pamamagitan ng mga selyong ito, umaasa kaming mas maraming Pilipino ang muling matutuklasan ang kanilang mga kuwento at magpapahalaga sa kanilang kabayanihan,” dagdag niya.
Ipinaliwanag din ng PHLPost na ang mga selyo ay nagsisilbing maliliit na piraso ng kasaysayan na tumutulong sa pagpapanatili at pagpapasa ng mahahalagang aspeto ng kulturang Pilipino at pambansang pamana sa mga susunod na henerasyon.
Matapos ang opisyal na paglulunsad, magiging available ang mga commemorative stamps sa publiko, mga philatelist, at mga mahilig sa kasaysayan sa Robinsons Place Ermita Activity Area at sa Post Shop ng Manila Central Post Office.
📷 PHLPost