Sumampa na sa ₱25.7 milyon ang halaga ng humanitarian assistance na naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao.
Batay sa pinakahuling tala ng DSWD, nakapagpamahagi na ito ng 18,577 Family Food Packs, mahigit 4,000 Ready-to-Eat Food packs, at 1,189 non-food items sa mga apektadong lugar.
Nakapagbigay na rin ang ahensya ng mahigit ₱4.76 milyong cash assistance sa ilalim ng Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) para sa mga nasugatan, naulila, at iba pang biktima ng lindol.
Nag-deploy na rin ang DSWD ng mga Mobile Command Center sa Zamboanga Peninsula, Davao Region, at SOCCSKSARGEN at patuloy rin ang operasyon ng Mobile Kitchen ng DSWD Field Office 12 na naghahain ng mainit at masustansyang pagkain sa mga biktima ng lindol.
Sa kasalukuyan, nananatiling nakahanda ang ₱839.43 milyong standby funds ng DSWD at mahigit 4.8 milyong Family Food Packs na nakaimbak sa iba’t ibang bodega sa buong bansa.


