File Photo
Inanunsyo ng Department of Social Welfare and Development na sisimulan nito sa Hunyo 15 ang nationwide implementation ng Supplementary Feeding Program (SFP) na makikinabang sa mahigit 1.8 milyong bata sa buong bansa.
Sa ilalim ng programang kilala rin bilang Batang Nutri-Care, bibigyan ng masustansyang mainit na pagkain ang mga batang may edad 3 hanggang 5 taong gulang na naka-enroll sa mga Child Development Centers (CDCs) ng mga lokal na pamahalaan at sa Supervised Neighborhood Play (SNP). Tatagal ang feeding program ng 180 araw.
Ayon kay Director Alfrey Gulla ng DSWD Protective Services Bureau, mas mataas ang bilang ng mga benepisyaryo ngayong 2026 kumpara noong nakaraang taon, bunsod ng mas malaking pondo at pinalawig na tagal ng implementasyon mula 120 araw hanggang 180 araw.
“As of now, we allocated a total amount of P8.5 billion na siyang mapapakinabangan ng mga bata sa 1,620 local government units (LGUs) sa buong bansa,” ani Gulla.
Dagdag pa ng ahensya, magbibigay din ng gatas o milk-based products sa mga lugar na may mataas na kaso ng malnutrisyon at kahirapan. Para naman sa mga batang may edad 2 hanggang 4 na kasali sa SNP, ipamamahagi rin ang mga pagkaing lokal o indigenous food products.
Batay sa datos ng DSWD, nasa 74.63 porsyento ng mga batang nakinabang sa feeding program noong 2025 ang nakitaan ng pagbuti ng nutritional status, at layunin ng ahensya na pataasin pa ito ngayong taon bilang bahagi ng kampanya kontra stunting, malnutrisyon, at involuntary hunger.
Bukod sa feeding program, isinasagawa rin ang nutrition at health education sessions sa pamamagitan ng Parent Effectiveness Service (PES), upang mabigyan ng kaalaman ang mga magulang at tagapag-alaga sa tamang nutrisyon at pangangalaga sa kalusugan ng mga bata.
Ayon pa sa DSWD, alinsunod ito sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na palakasin ang mga programa laban sa malnutrisyon at tiyakin ang mas malusog at produktibong kabataang Pilipino.
Noong 2025, umabot sa mahigit 1.59 milyong bata ang nabigyan ng fortified meals ng SFP, habang 180,265 naman ang nakatanggap ng gatas, gamit ang kabuuang pondong P5.7 bilyon sa 1,480 LGUs sa buong bansa.