Magsasagawa na ng buwanang earthquake simulation exercises ang lahat ng pampublikong elementarya at high school sa Maynila, kabilang ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila at Universidad de Manila, bilang bahagi ng paghahanda ng lungsod laban sa posibleng pagtama ng “The Big One.”
Ito ay matapos pagtibayin ng Manila City Disaster Risk Reduction and Management Council sa pamumuno ni Manila City Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso ang isang resolusyon na nag-uutos ng regular na pagsasagawa ng earthquake drills sa bawat school year.
Inatasan ang Schools Division Superintendent of Manila Dr. Sheryll Gayola na tiyakin ang maayos na pagpapatupad ng programa sa mga paaralan.
Hinikayat din ni Domagoso ang mga katuwang na pambansang ahensya na tumulong sa mga simulation exercise at pagsubok sa mga bagong kagamitan sa pagtugon sa sakuna, kabilang ang heat-seeking drone ng lungsod.
Patuloy naman ang inspeksyon sa mga lumang gusali ng paaralan at iba pang pasilidad ng pamahalaan sa Maynila, habang nananatiling nakaantabay ang lungsod para sa posibleng pagtulong sa mga lugar sa Mindanao na naapektuhan ng lindol.