Sa pagbisita sq mga lugar sa mindanao na naapektuhan ng malakas na lindol nitong lunes, sinabi ni senate president pro tempore at acting senate president sherwin gatchalian na pag aaralan nila ang mga available na pondo para magamit sa rehabilitasyon ng mga nasira ng malakas na lindol.
Ang pahayag na ito ay ginawa sa pagbisita nina Sen. Gatchalian, Sen. Erwin Tulfo, Sen. JV Ejercito at Sen. Juan Miguel Zubiri sa Sarangani ngayong tanghali.
Ayon kay Sen. Gatchalian, kasama nilang nagtungo sa Mindanao si Sen. JV Ejercito, na siyang bagong Chairman ng Senate Finance Committee, para mapag-aralan ano ang pwedeng idagdag sa bubuuing 2027 national budget para sa pagbangon ng Mindanao.
Pinahayag rin ng Acting Senate President na nakalulungkot na kabilang sa mga napinsala ang isang bagong tayong pantalan na itinayo para sa pagpapaunlad ng ekonomiya ng lugar.
Dito aniya makikita ang kahalagahan ng matibay na ostraktura na makakayanan ang isang malakas na lindol.
Sinabi rin ng mga senador na pag aaralan ng senado ang kasalukuyang building code para matiyak na ang mga gusali at iba pang imprastraktura ay magiging mas matibay laban sa malalakas na lindol, lalo na sa Mindanao na madalas makaranas ng seismic activity.
Binigyang-diin ni Senador JV Ejercito na bagama’t nagpapatuloy ang mga paunang relief operations, mas mahalaga ang paghahanda para sa rehabilitation phase.
Aniya, nakikipag-ugnayan na sila sa mga lokal na opisyal para matukoy ang mga pangunahing imprastrakturang dapat agarang ayusin, kabilang ang mga tulay at kalsadang napinsala na nagdulot ng pagkakahiwalay ng ilang komunidad gaya ng Glan.
Pinahayag naman ni Majority leader Juan Miguel Zubiri na kabilang sa mga prayoridad ang pagkukumpuni ng mga tulay, kalsada, gusaling pampamahalaan, relocation sites at evacuation centers na napinsala sa lindol.
Binigyang diin ni Zubiri na walang pulitika sa pagbibigay nila ng tulong, dahil mapa-majority man o minority, lahat sila ay nagkakaisa para makapagbigay ng tulong sa Mindanao.
Samantala, sinabi naman ni Senador Erwin Tulfo na dapat suriin ng Senado ang kalidad ng mga proyektong imprastraktura para matiyak na nagagamit nang tama ang pondo ng bayan.
Aniya, makikipag-ugnayan ang Senado, kabilang ang Blue Ribbon Committee, sa Department of Public Works and Highways (DPWH) para siyasatin kung bakit may mga gusali at paaralan na nanatiling matibay habang ang iba naman ay matinding napinsala sa kabila ng pagkakaroon ng iisang proseso ng pagpaplano at disenyo. | ulat ni Nimfa Asuncion