Hindi hahayaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mawalan ng kontrol ang Pilipinas sa Bajo de Masinloc.
Ito ang binigyang diin ni Communications Usec. Claire Castro kasunod ng namataan na floating structure ng China sa lugar.
Ayon kay Castro, alam ng pangulo ang mga nangyayari rehiyon, at nagsasagawa na ng mga diplomatikong pamamaraan ang gobyerno, upang tutulan ang mga iligal na aktibidad ng Beijing.
“Hindi po hahayaan ng Pangulo na mangyari po iyan. Alam po natin ano ang totoong stance ng Pangulo pagdating sa interes ng mga Pilipino at interes din natin dito sa ating West Philippine Sea.” —Castro.
Ang Pilipinas aniya, patuloy sa paglalaban ng karapatan at teritoryo ng bansa, lalo’t batid ng administrasyon ang interest ng mga Pilipino sa West Philippine Sea (WPS.)
“Ang masasabi po lamang natin ay alam po ng Pangulo ang nangyayari, at nananatili pong malinaw ang kaniyang paninindigan na unahin ang paggamit ng diplomatiko at ligal na hakbang sa pagharap ng ganitong klaseng sitwasyon.” —Castro. | ulat ni Racquel Bayan