Itinanggi ng Commission on Elections (COMELEC) ang kumakalat na impormasyon na magkakaroon ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) sa ika-14 ng Disyembre 2026, at itinuring itong isang fake news.
Ayon sa COMELEC, peke ang larawang kumakalat sa Facebook page na “Katribu News Online” tungkol sa nasabing halalan.
Alinsunod sa Republic Act No. 12326 na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., limang taon ang termino ng mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan.
Dahil dito, hindi na matutuloy ang BSKE na nakatakda sanang isagawa sa darating na Nobyembre 2. Sa halip, nakatakdang idaos ang susunod na halalan sa ika-13 ng Nobyembre 2028.
Nananatili ring epektibo ang batas dahil wala namang inilalabas na Temporary Restraining Order o TRO ang Korte Suprema upang pansamantalang ihinto ang pagpapatupad nito.
Hinikayat ng COMELEC ang publiko na kumuha lamang ng impormasyon mula sa mga opisyal nitong website at social media accounts upang maiwasan ang pagkalat ng pekeng balita tungkol sa halalan.