Inaprubahan ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang bagong revenue requirement ng Meralco na mas mababa ng 36% sa halagang hiniling ng power distributor, matapos ang mahigit isang dekadang hindi naisasagawang rate reset.
Sa desisyong inilabas noong Oktubre 9, inaprubahan ng ERC ang kabuuang P342-billion revenue requirement ng Meralco para sa apat na taong regulatory period mula Hulyo 2026 hanggang Hunyo 2030.
Mas mababa ito ng P190 billion sa P532 billion na hiling ng kumpanya.
Para sa unang regulatory year (RY) sa 2027, itinakda ng ERC sa average na P1.48 kada kilowatt-hour ang distribution rate, kumpara sa P2.34 kada kilowatt-hour na inaplayan ng Meralco.
Ibinatay ang pagbawas sa pagsusuri ng mga gastusin, capital projects, asset base at return on capital ng kumpanya upang matiyak na makatwiran at kinakailangan ang mga singil sa konsyumer.
Ayon sa ERC, patuloy nitong babantayan ang performance ng Meralco, kabilang ang reliability ng suplay, kalidad ng serbisyo at pagtugon sa mga customer, upang matiyak na maipatutupad ang mga kinakailangang proyekto at mapapangalagaan ang kapakanan ng mga konsyumer.
Ang rate reset ay regular na pagsusuri sa singil ng distribution utilities upang matiyak na makatwiran at kinakailangan ang mga gastusin na ipinapasa sa mga konsyumer. Hindi naman ito sumasaklaw sa generation at transmission charges, buwis at iba pang pass-through charges.