Itinuro ng Malacañang ang political noise bilang isa sa mga salik na nagpapahina sa ekonomiya ng bansa.
Sa isang briefing sa Singapore, sinabi ni Undersecretary Claire Castro na bukod sa krisis sa Middle East at mga kalamidad, nakakaapekto rin ang mga destabilizers, obstructionists, at fake news na layong pabagsakin si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Giit ni Castro, intensyon ng mga kritiko na magsinungaling at manira ng administrasyon upang maapektuhan ang kumpiyansa sa pamahalaan.
Bumagal sa 2.3 porsyento ang gross domestic product (GDP) ng bansa sa ikalawang quarter—ang pinakamababa sa ilalim ng administrasyong Marcos Jr.—matapos ang flood control scam noong 2025 at kasunod ng global fuel price shocks.
Ayon kay financial analyst Jonathan Ravelas, wala pang direktang epekto ang political noise sa inflation at sa paghina ng piso, ngunit ito ay nagdudulot ng kawalan ng katiyakan sa mga negosyo at mamumuhunan. “Gusto ng mga investor ng katiyakan. Ayaw nilang mag-alala kung ano ang susunod na mangyayari,” ani Ravelas, na binanggit ang impeachment proceedings at mga destabilization moves bilang dahilan kung bakit nananatiling nag-aalangan ang mga potential investors.
Gayunman, naniniwala si Ravelas na ang nalalapit na ASEAN Summit sa Nobyembre ay pagkakataon upang maipakita sa mga dayuhang mamumuhunan na seryoso ang Pilipinas sa negosyo. Dagdag pa niya, kung matutuloy ang pagbisita ni Pangulong Donald Trump ng Estados Unidos at magbigay ng suporta sa mga inisyatiba ng bansa, ito ay makapagpapalakas ng kumpiyansa ng mga investors.