Screenshot
Pinag-iingat ng Embahada ng Pilipinas sa Riyadh at ng Philippine Consulate General sa Jeddah ang mga Pilipino sa Saudi Arabia kasunod ng pag-atake ng Houthi sa King Khalid International Airport, na ikinasawi ng 12 katao at ikinasugat ng 309 iba pa.
Ayon sa Saudi Arabia’s General Authority of Civil Aviation (GACA), kabilang sa mga nasawi ang apat na Saudi national at ilang mamamayan mula sa Bangladesh, Estados Unidos, Egypt, Jordan, Syria, Palestine at Sudan.
Patuloy namang ginagamot sa mga ospital ang ilan sa mga sugatan.
Kabilang dito ang dalawang Pilipino na nasa intensive care unit (ICU) ng isang ospital sa Riyadh at patuloy na nagpapagaling, ayon kay Department of Migrant Workers (DMW) Sec. Hans Leo Cacdac.
Dahil dito, patuloy na pinapayuhan ng Embahada ng Pilipinas sa Saudi Arabia ang mga Pilipino roon na manatiling kalmado, mapagmatyag at alerto, sumunod sa mga abiso ng Saudi authorities, at tiyakin ang flight status bago bumiyahe.
Pinag-iingat din ang mga ito laban sa mga kahina-hinalang bagay at sa pagpapakalat ng hindi beripikadong impormasyon.
Patuloy naman ang pagsubaybay ng pamahalaan ng Pilipinas sa sitwasyon sa Kingdom of Saudi Arabia.