Nais ni Senator Robin Padilla na maimbestigahan ng kaukulang kumite sa Senado ang tungkol sa pagkamatay ng dalawang atleta ng Ateneo Men’s Basketball Team.
Nasawi sa team-building activity nitong June 8 ang dalawang student athletes ng Ateneo de Manila University na sina Rene Clert Baterbonia at Divine Adili.
Maghahain ng resolusyon si Padilla sa Lunes na humihiling ng motu proprio investigation sa tunay na pangyayari sa pagkamatay ng dalawang atleta.
Layon aniya ng senate inquiry na i-review at palakasin ang safety protocols ng mga school-related activities tulad ng sports.
Nilinaw ni Padilla na ang imbestigasyon ay hindi para maghanap ng sisisihin sa nangyari kundi tukuyin ang repormang kailangan para hindi maulit ang kahalintulad na insidente.
Sisiyasatin din sa imbestigasyon kung sapat ang mga umiiral na pamantayan sa risk assessment, supervision, emergency preparedness, at crisis response para sa mga aktibidad na inorganisa ng mga paaralan partikular na ang mga outdoor, athletic, adventure-based, at iba pang gawaing may kaakibat na panganib. | ulat ni Diane Lear