Binigyang-diin ng Malacañang na kayang ipaglaban at patunayan ng pamahalaan na walang nilalabag ang bansa kung pag-uusapan ay usapin sa forced labor.
Reaksiyon ito ng Palasyo sa harap ng umanoy proposal ng United States Trade Representatives (USTR) na magpataw ng dagdag na taripa sa bansa na aabot sa 12.5% dahil sa umanoy isyu ng forced labor.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, simulat-simula pa lamang ay mayroon nang mga nakalatag na batas at mga prosesong ipinatutupad ang bansa kontra sa sapilitang paggawa.
Sinabi ni Castro na kasalukuyan nang sinusuri ang naturang ulat ng USTR at makikipag-ugnayan aniya ang pamahalaan sa mga opisyal ng Estados Unidos sa tamang paraan.
Maaari din aniyang magpadala ng team ang Pilipinas sa U.S. at ilahad na walang paglabag sa mga aktibidad tungkol sa forced labor.