Kalayaan Tour
Aabot sa 126 na siklistang Pangasinense ang lalahok sa Tour de Pangasinan: Padyak sa Kalayaan na ilulunsad ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan sa pangunguna ni Governor Ramon V. Guico III ngayong Hunyo 12 bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-128 Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Magtatagisan ang mga kalahok sa lakas, bilis, at tibay sa karerang magsisimula sa bayan ng Umingan at magtatapos sa Kapitolyo ng Pangasinan sa Lingayen.
Daraan ang ruta sa mga bayan ng Balungao, Rosales, Villasis, Malasiqui, Bayambang, Basista, Urdaneta City, Mangatarem, Aguilar, Bugallon, at Labrador.
Ayon sa pamahalaang panlalawigan, layunin ng aktibidad na palakasin ang diwa ng kalayaan, pagkakaisa, at pagmamahal sa bayan, habang isinusulong ang pagbibisikleta bilang alternatibong transportasyon at paraan upang makatulong sa pagbawas ng carbon emissions.
Paglalabanan ng mga siklista ang Blue Jersey para sa overall champion, Green Jersey para sa Sprint King, Polka Dot Jersey para sa King of the Mountain, White Jersey para sa Best Young Rider, at Red Jersey para sa Most Combative Rider. May nakalaang tropeo at cash prizes para sa mga magwawagi.
Inaasahan ding makatutulong ang aktibidad sa pagpapalakas ng turismo at lokal na ekonomiya sa lalawigan.